Nasabat ng mga tauhan ng Department of Agriculture (DA) sa magkakahiwalay na operasyon ang aabot sa P88 milyong halaga ng puslit na mga sibuyas na nagmula umano sa China.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing kahon-kahong buns o siopao ang nakita sa isang container van na inspeksyunin ng DA sa Manila International Container Port nitong Lunes.
Pero nakatago sa loob nito ang sako-sako ng mga pula at puting sibuyas.
Sa magkahiwalay na operasyon naman noong December 14 at 19, walong container vans na naglalaman ng iligal na sibuyas at frozen goods ang nasabat.
Batay sa impormasyon na nakalap ng DA, mula sa China ang mga sibuyas.
Ayon sa mga opisyal ng ahensya, inihahanda na raw ang kasong paglabag sa Anti-Agricultural Smuggling Act at Food Safety Act.
“We are on the lookout for those smugglers,” pahayag ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban.
“We have to stop the agricultural smuggling because of primarily food safety. Kaya ho kami makikipag-coordinate ngayon sa DOJ [Department of Justice] with Secretary Remulla to create a legal team, a legal task force that will really investigate itong buong network na ito,” saad naman ni DA Assistant Secretary James Layug.
Sa pinakahuling price monitoring ng DA ngayong araw, umabot na sa P380 ang kada kilo ng pulang sibuyas sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Ang ilang tindahan sa Quezon City Memorial Circle, walang pulang sibuyas na tinda pero may mabibiling puting sibuyas na P400 kada kilo ang presyo.
Tiniyak ng DA na sapat ang suplay ng pulang sibuyas ngayong magpapasko.
Sa limang warehouse sa Nueva Ecija, sinabi ng ahensya na may nakaimbak na mga sibuyas na mula sa ani ng mga lokal na magsasaka.
Nakatakda raw itong ibenta Metro Manila. Bukod dito, inaasahang may mga aanihing sibuyas sa susunod na taon.
“’Yung Tarlac at Pangasinan area may harvest. Kasi doon sa Nueva Ecija lahat po ay nagtatanim. Ang sabi naman nila na sa ngayon mukhang naguumpisa palang tumubo, siguro by April or March kasi four months naman ‘yan bago ma-harvest,” ani DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News