Tatlong katao ang sugatan at nasagip ng mga awtoridad matapos gumuho ang isang apat na palapag na gusali sa Malabon City nitong Linggo ng umaga, ayon sa ulat ni Carlo Mateo sa Super Radyo dzBB.
Batay sa impormasyon mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), sinabing gumuho ang naturang gusali sa Orchid Street sa Barangay Longos pasado alas-siyete ng umaga.
FLASH REPORT: 4 na palapag na residential building sa Brgy. Longos, Malabon City, gumuho; dalawang tao, sugatan habang isa pa ang patuloy na sinasagip ng mga otoridad. | via Carlo Mateo pic.twitter.com/3MwzD3eZhq
— DZBB Super Radyo (@dzbb) December 4, 2022
Kinilala ang mga nasugatan na sina Rob Tombocon, Francisco Catindoy at Ronalyn Tombocon.
Binigyan ng mga tauhan ng Philippine Red Cross ng agarang medikal na atensyon ang mga biktima.
Si Ronalyn ang huling nailigtas mula sa gusali.
Sinabi ng mga biktima na naramdaman nila ang pagyanig ng lupa bago ang insidente.
Ayon sa follow-up report ng Super Radyo dzBB, ang lugar na kung saan itinayo ang gusali ay dating sapa at natatakpan ng mga tambak na basura.
Sa ulat sa GMA News “24 Oras Weekend”, sinabing pinaiimbestigahan na ng lokal na pamahalaan ng Malabon ang insidente.
“Ang problema siyempre informal settlers walang guidance ng engineering. Hindi nakikita ang specs at saka wala silang plano. Basta gawa lang sila ng gawa,” saad ni Vice Mayor Ninong Dela Cruz.
Pitong pamilya ang naapektuhan ng insidente ngunit labing-apat na pamilyang naninirahan sa paligid ng gusali ang kailangang ilikas.
“May iguguho pa po ‘yung bahay eh. Baka maapektuhan pa ang iba. So emergency evacuation po muna,” pahayag Barangay Longos Chairperson Angelika Dela Cruz.
“Housing units dito na actually matagal na rin natapos and we will see if there’s an available unit for them and siguro the mayor and I will talk about it kung baka naman mai-offer sa kanila,” dagdag pa ni Malabon Rep. Jaye Lacson. —Mel Matthew Doctor/KG, GMA Integrated News