Inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa Metro Manila ang hindi bababa sa pitong kawatan umano na sangkot sa pagnanakaw ng mga motorsiklo. Ang ilan sa kanila, nagpapanggap na pulis habang isinasagawa ang krimen.

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita sa mga CCTV na kuha sa Cavite ang ginagawang pag-atake ng mga nakamotorsiklong salarin, na puwersahang tinatangay ang mga target na motorsiklo.

Modus nila na magpanggap na pulis, tututukan ng baril ang mga biktima, saka nila tatangayin ang motorsiklo.

"Sabi sa akin 'Huwag kang papalag, puputukan kita!' Tapos 'yun, kinuha na 'yung motor, hinagis 'yung helmet," ayon sa isang lalaking biktima.

Nadakip ng mga operatiba ng PNP-HPG sa isang tindahan sa Metro Manila ang suspek na si Mico Samson, na positibong kinilala ng isa sa siyam na biktima ng kanilang grupo.

"Patawad po dahil po nasangkot po ako diyan. Sorry po, hindi na po mauulit," sabi ni Samson.

Samantala, dinakip din ang anim na suspek sa Maynila matapos mahuli sa aktong pagbebenta ng isang nakaw na motorsiklo, ilang araw matapos nila itong tangayin. —Jamil Santos/VBL, GMA News