Malapit nang makompleto ang unang bahagi ng beach nourishment project sa Manila Bay na layong malinis at mapaganda ang lugar.
"Unti-unti na po nating nakikita ang resulta ng ating pinaghirapan sa pagsasaayos at pagpapaganda ng ating Manila Bay," ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Benny Antiporda, sa ulat ni Corinne Catibayan sa GMA News' Unang Balita nitong Lunes.
Dagdag pa ng opisyal sa kaniyang Facebook post, "80% na pong kumpleto ang phase 1 beach nourishment project."
Ayon kay Antiporda bumuti na ang water quality sa lugar matapos na maibaba ang fecal coliform bacteria level sa 142 most probable number per 100 ML (MPN/100ML).
Ang naturang antas ng kalidad ng tubig ay pasado na sa ligtas na pangingisda.
"Bukod pa rito, mula sa milyon-milyong fecal coliform bacteria (o bacteria na nakukuha sa dumi ng tao), ay bumaba na po ito sa 142 MPN/100ML, kung kaya’t fit for fishing na po ito," paliwanag niya.
Inaasahan na makokompleto ang phase 1 ng proyekto sa susunod na buwan.
Bukod sa paglilinis ng tubig ng dagat, patuloy din ang pagpapaganda ng lugar na tinatambakan ng dolomite artificial beach na may rock formation.
Kamakailan lang, binisita ng mga opisyal ng DENR sa pangunguna ni Roy Cimatu, ang naturang lugar sa Manila Bay na malapit sa US Embassy sa Roxas Boulevard sa Manila.
Bukod sa paglalagay ng mga dolomite, ilang puno rin ng niyog ang itinanim sa lugar.
Gayunman, kapansin-pansin pa rin ang mga basura na napapadpad sa baybayin kung saan isinasagawa ang bahagi ng proyekto. —FRJ, GMA News