Sugatan sa ulo ang isang customer na lalaki matapos siyang sapakin ng masahista sa spa na pinasukan niya sa Kamias Road sa Quezon City dahil tumanggi diumano siya sa extra service.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente ng hatinggabi, kung saan isinalaysay ng biktima sa pulisya na magpapamasahe lang sana siya nang isang oras sa halagang P250.
Ngunit agad na tinapos ng masahista ang pagmasahe, saka may inalok na extra service.
"Hindi siya umabot ng one hour, 19 minutes lang. Sabi niya, 'Sir gusto mo ng extra service?' Sabi ko 'Hindi ako... i-massage lang.' Tapos 'yung nangyari sabi niya 'Sir tapos na tayo.' Pagtingin ko sa relo hindi pa naman umabot ng one hour," anang biktimang customer.
Dahil hindi pa umabot sa isang oras ang serbisyo ng masahista, nagpasiya ang customer na huwag bayaran ang buong P250 at P100 na lang ang ibayad.
Dito na ni-lock ng masahista ang pinto ng spa.
"Paglabas ko, pilit akong lumabas sa pinto. Sinuntok niya ako rito kaya nagkadugo. Tapos tinulak ko siya tumakbo ako dito," sabi ng customer.
Tinungo ng pulisya ang spa at inabutan sa labas ang 26-anyos na masahista. Umamin siya sa pananapak sa customer, dahil ayaw nitong magbayad.
"Tatakbuhan niya po kami. Eh siyempre kahit sino naman po sir tatakbuhan po 'yung bayad, siyempre nagpapa-massage po sir... Sorry po. Sorry po sir," sabi ng masahista.
Pinabulaanan ng katiwala ng spa na nagbibigay sila ng extra service.
"Wala. Wala pong extra service dito. Kung mayroong extra service naman, kahit ano hindi naman maaano 'yun," ayon sa katiwala.
Hanggang sa estasyon ng pulisya, todo-hingi ng tawad ang masahista sa customer.
"Sir, sorry po talaga sir. Patawarin mo na ako sir," anang masahista.
Ngunit nagpasiya ang customer na hindi na magsampa ng reklamo at pinabayaran na lang sa masahista ang gastos niya sa pagpapagamot. — Jamil Santos/MDM, GMA News