Sapilitang pagpu-push up at pumping exercise ang inabot ng ilang residenteng nahuling lumalabag daw sa mga ordinansa ng Caloocan City nitong Huwebes.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing nahuli ng pulis ang mga residente dahil sa pag-inom sa pampublikong lugar at hindi pagsusuot ng damit pang-itaas.
Tinanggap ng ilang lalaki at mga may edad na ang parusa nilang push-ups at pumping exercise sa Caloocan PNP headquarters.
"Pauwi na nga ako ma'am. Dinampot ako, wala raw akong damit," ayon sa isang hinuli.
Ayon kay Police Senior Superintendent Jemar Modequillo, hepe ng Caloocan Police, "Ang gusto nating maramdaman ng mga tao rito, yung tinatawag nating kaayusan sa kapaligiran. Kung wala nang nag-iinom sa kalsada, mababawasan ang kriminalidad. Isali na rin ang mga vehicular accident."
Isinama rin sa headquarters ang mga menor de edad na lumabag sa curfew ng lungsod mula 10 p.m. hanggang 4 a.m.
Napaiyak pa ang isang 14-anyos na dalagita na gumagawa lang daw ng project sa computer shop nang imbitahin siya ng mga pulis sa presinto.
Ayon sa dalagita, natatakot daw siya na baka matulad siya kay Kian Loyd delos Santos, ang menor de edad na estudyanteng napatay kamakailan sa isang police operation sa lungsod.
"Baka po matulad ako kay Kian, yung binaril po," sabi ng dalagita.
Nagreklamo naman ang ina ng babae na napasugod sa headquarters.
"Dapat tinanong muna nila kung ano yung ginagawa ng bata. Kagaya niyan, gagawa ng assignment yung anak sa PisoNet. Bakit naman hinuli nila?" aniya.
Depensa naman ng ilan, wala raw silang nilalabag na ordinansa.
"Umiinom kami ng kumpare [ko] don sa loob ng bahay namin. Naabutan kami sa loob ng bahay, kinuha kami, akala namin hindi pwede dun eh."
Paliwanag naman ni Modequillo: "Kahit nasa computer dahil meron tayo tinatawag na curfew. Marami talaga din kahit papaano nahuli na nga sila, nag-a-alibi pa. Ive-verify muna natin."
Ayon sa Caloocan PNP, warning pa lang ang ibinigay sa mga lumabag kaya push-up at pumping exercise lang ang pinagawa. Ngunit multa na ang susunod dito kung paulit-ulit daw silang lalabag.
Samantalang mga magulang naman ang paparusahan sa mga menor de edad na hindi susunod sa curfew.
Maliban sa mga lumabag sa city ordinance, nahuli rin sa mga operasyon ang ilan umanong drug user at pusher, mga nagsusugal, at may warrant of arrest. — Jamil Santos/MDM, GMA News