Nagtamo ng matinding paso sa iba't ibang bahagi ng katawan ng isang ginang sa Agusan del Norte nang masabugan ng gasolina na isinasalin niya sa bote.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Biyernes ng umaga, kinilala ang biktima na si Edna Pado na nagtitinda ng bote-boteng gasolina sa kanilang bahay sa bayan ng Nasipit.

Salaysay ng anak ng biktima na si Jessa, nagsasalin ng gasolina sa bote ang kaniyang ina nang biglang nag-brownout.

Nagsidi umano ng lampara ang kaniyang ina at nagpatuloy ng pagsasalin ng gasolina sa mga bote nang bigla na lamang sumabog ang boteng hawak-hawak niya.

Sa tindi ng pagsabog, nasunog din ang bahagi ng kusina at banyo ng kanilang bahay, ayon sa anak ng biktima.

Naapula naman umano agad ang apoy sa pagtutulungan ng mga kamag-anak.

Bigla na lamang daw nawala si Edna. Kalauna'y nakita nilang palutang-lutang na ito sa sapa kung saan siya tumalon matapos ang pagsabog.

Inoobserbahan pa ngayon sa ospital ang kalagayan ni Edna.

Ipignagbabawal na ng lokal na awtoridad ang pagbebenta ng takal-takla na gasolina sa kanilang lugar. —LBG, GMA News