Inanunsyo ni "Kuya" ang malaking twist ng pagpapares-pares ng mga Kapuso at Kapamilya stars para sa format ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition” nitong Miyerkoles.Habang naglalaro ang housemates ng “The Boat Is Sinking” at igrinupo sa dalawa, na binubuo ng isang Kapuso at isang Kapamilya artist, inihayag ni Kuya ang mechanics na sila na rin ang magiging magkaparehas para sa kompetisyon at haharap sa weekly tasks, mga nomination hanggang sa eviction.“Sila ay magsasanib-puwersa dahil ang kapalaran ng isa ay kapalaran din ng kaniyang kasama,” sabi ni "Kuya".Magkakahalong emosyon naman ang kanilang naramdaman matapos ianunsyo ang bagong twist.“There’s just so much joy inside of me, knowing that we’re (AC Bonifacio) so alike,” ani Charlie Fleming.“Let’s see, Kuya, kung magkakasundo kami (Michael Sager), (kahit) na magkaiba kami ng ugali.” sabi naman ni Brent Manalo.Narito ang mga Kapamilya at Kapuso na makikipagpaligsahan sa “PBB: Celebrity Collab Edition”: Charlie Fleming (Sparkle) at AC Bonifacio (Star Magic) Mika Salamanca (Sparkle) at Ralph de Leon (Star Magic) Will Ashley (Sparkle) at River Joseph (Star Magic) Dustin Yu (Sparkle) at Klarisse de Guzman (Star Magic) Josh Ford (Sparkle) at Kira Balinger (Star Magic) Michael Sager (Sparkle) at Brent Manalo (Star Magic) Ashley Ortega (Sparkle) at Ivana Alawi (Star Magic) AZ Martinez (Sparkle) at Esnyr Ranollo (Star Magic)Samantala, kaabang-abang naman ang magiging kinahinatnan ni Ashley, na ipinares kay Ivana, na mayroon lamang limitadong oras sa bahay ni Kuya dahil sa kaniyang celebrity house guest status.Hindi ito ang unang beses na nagpaligsahan ang mga magkakapares sa “PBB.” Sumali na rin ang magkambal na sina Joj at Jai Agpangan at queer couple na sina Dingdong Bahan at Patrick Ramirez bilang mga tandem noong kanilang season.Napanonood ang bagong episodes ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition” sa GMA Network ng 10 p.m. Lunes hanggang Biyernes at 6:15 p.m. sa weekends. -- Josiah Atonio/Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News