Nagtamo ng mga sugat at bali sa katawan ang rider at ang kaniyang angkas nang makabanggaan ng kanilang motorsiklo ang isang kotse sa isang intersection sa Quezon City. Ang driver ng kotse, tumakas.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing patuloy na nagpapagaling ang 22-anyos na rider, habang nasa ospital pa rin at sasailalim sa operasyon dahil sa bali sa binti ang kaniyang 20-anyos na live-in partner.
Kuwento ng rider, sinundo niya noon ang kaniyang kinakasama sa trabaho at pauwi na sa Caloocan nang mangyari ang salpukan sa panulukan ng Biak na Bato at NS Amorante Streets.
Paliwanag pa ng rider, ilang beses siyang nag-flash ng ilaw bago sumapit sa panulukan para alamin kung mayroon ding papalipit na sasakyan sa kabilang panig ng daan.
Nang wala umano siyang nakitang nag-flash din ng ilaw sa kabilang direksyon ng daan, nagdire-diretso na siya hanggang sa makabanggaan na nila ang isang puting kotse.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na tumilapon ang dalawang sakay ng motorsiklo. Nagtuloy-tuloy naman sa pag-arangkada ang kotse.
Nagawa ng rider na makatayo at paika-ikang nilapitan ang kaniyang kinakasama na nakahandusay sa daan.
Tinulungan sila ng mga tao na napadaan sa lugar at ang taga-barangay umano ang naghatid sa dalawa sa ospital.
Ang rider, masama ang loob sa driver ng kotse na hindi man lang sila tinulungan.
Nanawagan siya sa driver na nakabangga sa kanila na lumutang at makipag-usap sa kanila.
"Lumabas po siya para mapag-usapan namin lahat kasi naabala rin po kami. May malaking pananagutan din pong pinansiyal [at] wala din naman po kaming mailalabas na ganun-ganun po agad," ayon sa rider.
Nai-report na sa awtoridad ang insidente at patuloy pa ang imbestigasyon para matunton ang driver ng kotse na nakuha umano ng rider ang plaka. --FRJ, GMA Integrated News.