Naaliw ang netizens sa isang ginang dahil sa palaban at gigil na gigil niyang hitsura habang humihila ng lubid sa palarong tug of war ng mga misis sa isang kapistahan sa Misamis Occidental. Alamin kung epektibo ang kaniyang pagka-beast mode sa laro.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing iba't ibang palaro ang itinampok sa taunang fiesta ng Barangay Barra sa bayan ng Tudela. Kabilang dito ang putukan ng mga lobo, “Lumbag Bunsay” o karera ng mga bangka, at “Lumba Utong” o patagalan sa pagsisid.

Ngunit ang talagang pinaka-inaabangan, ang championship round ng “bira pisi” o tug of war na maghaharap ang mga nanay ng Purok Dos at Purok Tres.

Dito nag-viral ang ginang na si Mirafe Concepcion ng Purok Dos dahil sa kaniyang gigil na gigil na mukha habang humihila ng lubid sa kanilang laban.

Pero paliwanag ni Concepcion, hindi siya galit at mananakit sa viral video, kundi sadyang palaban lang ang kaniyang mukha.

“Ganito talaga ang mukha ko, parang galit. Pero ‘pag personal, hindi. Mabait ako, wala akong kaaway,” sabi ni Concepcion.

Dagdag ni Concepcion, gusto lamang niyang manalo ang kanilang koponan para sa premyo kaya seryoso siya sa laban.

Isang labandera si Concepcion kaya naman batak sa trabaho ang mga braso. Kaya naman siya ang ginawang lider ng mga ginang ng kanilang purok para sa naturang laban.

Desidido raw ang grupo nina Concepcion na manalo dahil taong 2004 pa nang huling magkampeon ang kanilang Purok Dos sa naturang laro.

Matindi rin ang kanilang kalaban na two-time defending champion sa tug of war na mga ginang mula sa Purok Tres, na pinangungunahan ni Nancy Rina Estopito.

Gayunman, nangamba sila ngayong taon dahil buntis ang tatlo sa mga inaasahan nilang kalahok, at ang iba ay nagsisimula nang sumakit ang mga kasu-kasuan.

Tumalab naman kaya ang beast mode look ni Concepcion at magawa na kaya nilang maibalik ang kampeonato sa kanilang purok? Panoorin ang buong kuwento sa video ng “KMJS.” --FRJ, GMA Integrated News