Umani ng magkakaibang reaksyon sa netizens ang larawan na ipinost sa social media na makikitang nilagyan ng tanim ng ilang residente ang uka sa bahagi ng kalsada sa Labo, Camarines Norte.
Sa ulat ni Jessica Calinog sa Mornings with GMA Regional TV nitong Lunes, ipinaliwanag ng mga nagtanim na residente sa bahagi ng national road sa Barangay Bagong Silang 1, na ginawa nila ito para magsilbing babala sa mga motorista.
Ilang aksidente na raw kasi ang nangyari dahil sa naturang mga uka.
"Nilagay po para mapansin agad kasi po kapag wala pong ganun [babala] hindi po napapansin. Ang dami pong nabubulsot," paliwanag ni Ariel Obusan, residente.
Pero pumalag ang regional office ng Department of Public Works ang Highways sa ginawang paglalagay ng halaman sa uka dahil posible pa raw itong magdulot pa ng sakuna.
May panuntunan daw na sinusunod sa paglalagay ng warning device sa kalye.
Ipinaliwanag din ng ahensya hindi nila kaagad makumpuni ang problema sa naturang bahagi ng kalsada dahil sa lagay ng panahon.
"Unpredictable talaga [ang weather] eh. Lalo kaming pagtatawanan ninyo, lalong-lalo na ng ating mga constituents kung magkoko-correction tayo, na pagka-correction natin, the following day sira na naman," sabi ni Engr. Edwin Bermal, District Engineer, DEO, Camarines Norte.
Sa ngayon, tinapalan na muna ang naturang uka sa kalsada habang wala pang sapat na pondo para pagkumpuni nito.
Ipinaliwanag din ng ahensya na luma na ang ilang bahagi ng national road kaya madali nang masira.--FRJ, GMA Integrated News