Nakalabas na ng ospital si Albuera, Leyte mayoral candidate Kerwin Espinosa na nasugatan matapos barilin habang nangangampanya nitong Huwebes. Matapos namang maging persons of interest ang ilang pulis sa Ormoc sa nangyari sa kaniya, may panawagan si Espinosa sa mag-asawang Lucy Torres-Gomez at Richard Gomez na mayor at kongresista ng Ormoc.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, ipinakita ni Espinosa sa isang press conference pagkalabas niya ng ospital ang tinamo niyang tama ng bala sa ibaba ng kanang balikat na malapit na sa dibdib.

“Sino naman ang mag-scripted na dito sa dibdib ko ang tama at double action pa ang bala. Nakita niyo naman na malaking butas ang aking braso. Bakit naman scripted?” ayon kay Espinosa bilang tugon sa mga naghihinala na "ambush me" ang nangyari sa kaniya.

Bukod kay Espinosa, nasugatan din ang kaniyang kapatid at isang menor de edad sa nangyaring pamamaril.

Gayunman, aminado si Espinosa na nangangamba siya sa kaniyang kaligtasan matapos na maging persons of interest ang pitong pulis na mula sa Ormoc.

“Dahil sa rason ng seguridad ko. Kasi ang involved na mga person of interest, nawalan ako ng tiwala sa mga kapulisan sa Ormoc maliban sa mga matino,” sabi niya.

Ayon sa PNP, nasa kustodiya na nila ang pitong pulis at kinumpiska rin ang kanilang mga baril.

Naging persons of interest ang mga pulis nang abutan sila sa isang compound nang sundan ang isang sasakyan na biglang umalis matapos ang nangyaring pagbaril kay Espinosa.

Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Leyte Police Provincial Office sa nangyari.

“Ang buong pwersa ng Leyte Police Provincial Office ay patuloy na nagka-conduct ng in-depth investigation para mahuli na po ang gumawa nito. Kapag ang biktima po ay isang kandidato o supporter, it is classified as suspected election-related incident,” sabi ni Police Lieutenant Mary Antonette Espino, public information officer of Leyte Police.

Bagaman ayaw ni Espinosa na magbintang kung sino ang nasa likod ng tangkang paglikida sa kaniya, may panawagan siya sina kina Ormoc Mayor Lucy Torres-Gomez at asawa nito a si Ormoc Representative Richard Gomez.

“Sila ay naka-assign sa Ormoc City. Isang malaking tanghaga na may taong nag-uutos sa kanila na mataas na politician din. Ang ano ko ay sana mabigyan ‘to ng pansin ni Mayor Lucy kasi siya ngayon ang alkalde ng Ormoc City kung bakit napunta ang mga pulis mo sa aming lugar, sa Albuera. Lalong lalo ka na Congressman Richard Gomez sana mabigyan mo ito ng pansin na parang hindi tama. Wala akong binibintangan kung sino,” sabi ni Espinosa.

Sinisikap pang makuhanan ng panig ang mag-asawang Gomez.

Kaugnay nito, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, na inalis na sa puwesto si Police Colonel Reydante Ariza bilang hepe ng Ormoc City Police, ayon sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes.

Itinalaga namang officer-in-charge sa PNP-Ormoc si Police Colonel Dennis Jose Llavore.
Sa isang press conference nitong Biyernes, sinabi ni Fajardo na may posibilidad na sniper ang bumaril kay Espinosa.— FRJ, GMA Integrated News