Walang umuwing luhaan sa mga bisitang dumalo sa isang kasalan sa Tagaytay City dahil sa dami ng ipinamigay na sibuyas ng bagong kasal.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing 150 kilos ng sibuyas ang dinala ng bagong kasal sa kanilang reception venue.

Kaya naman may takeout ng mga sibuyas ang mga bisita na inilagay sa cute na mini-bayong.

"Ang sabi ng ibang netizens at least nakatulong sa mga guest yung ginawa nilang souvenir. Mapapakinabangan nga naman daw pag-uwi nila sa bahay," sabi ng wedding coordinator na si Aldrik Gohel.

Napag-alaman na family business ng bride na si Lorrelie ang mga sibuyas sa Ilocos.

"Nakabawi sila from pandemic. Sobrang na-bless lang talaga yung pamilya kaya shinare [share] lang namin yung blessing sa mga dumalo sa wedding namin since special daw rin namin," ayon sa groom na Jasyon Saplala.

Kamakailan lang, sangkaterbang sibuyas na ginamit din bilang bridal bouquet, bouquet ng bridesmaids, at corsage ng groom, groomsmen at mga ninong at ninang sa isang kasalan sa Iloilo City. --FRJ, GMA Integrated News