Nabulabog at nagtaka ng mga staff ng isang vet clinic nang bigla na lamang pumasok ang isang Husky na hindi kasama ang amo nito. Ang aso, hindi pala iyon ang unang beses na mag-isang nagpunta sa clinic.

Sa CCTV camera ng LJ Veterinary Clinic, na mapanonood din sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang pagpasok ng Husky na si "Bleu," na ikinagulat ng mga staff.

"Bigla lang talaga siyang pumunta rito. Kumatok lang siya sa door. Talagang nagulat kami. Nagulat, na-shock, na-amaze pero nag-alala rin," sabi ng beterinaryong si Dr. Lovely Eguia.

Bago nito, Agosto 2024 nang pumunta na rin si Bleu sa kanilang klinika sa kasagsagan ng summer. Naulit ito ngayong Pebrero.

May kalayuan din ang bahay nina Bleu sa klinika kaya hindi naiwasang mag-alala ng mga staff.

"Siguro hindi na-lock 'yung gate at 'yung cage niya, kaya 'yun. Naglakwatsa na papunta rito," hinala ni Dr. Lovely.

Pero nilinaw ni Dr. Lovely na responsable ang fur parent ni Bleu.

Katunayan, nakabisado na ng aso ang daan dahil dalawa hanggang tatlong beses sa isang buwan itong dinadala ng kaniyang amo sa kanilang klinika.

Tatlong-buwang-gulang pa lamang noon si Bleu nang maging suki na ito sa klinika.

Tingin ni Dr. Lovely, nagpupunta sa clinic na mag-isa ang aso dahil nag-e-enjoy at ginagawang tambayan ang kanilang grooming area na malamig.

"'Yung unang punta niya, before 'yung araw na 'yun, nagpa-groom na siya rito. So sa next day bumalik siya rito nang mag-isa. 'Yung second naman, a week nu'n bago nangyari 'yung pagpunta niya rito, galing din siya rito – nagpa-groom. Gustong gusto niya talagang ginu-groom siya siguro dahil malamig ang tubig. Saka malamig talaga 'yung air-con namin sa grooming," sabi ni Dr. Lovely.

May usapan na ang klinika at ang fur parent ni Bleu sa gagawin kung muling maulit na mag-"solo flight" ang aso.

Ayon sa klinika, laging welcome ang aso sa kanila.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News