Nabalot ng tensiyon ang bahagi ng Recto sa panulukan ng Avenida sa Maynila nitong hapon ng Martes, matapos mang-hostage ng babae ang isang lalaki na armado ng patalim.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing hinabol ng mga pulis ang suspek dahil sa kinakaharap na kaso ng pananaksak na nangyari kamakailan.

Pero bukod dito, napag-alaman na nagtungo sa Recto ang suspek para sana maningil ng kaniyang sahod sa amo na P20,000 na ayaw daw ibigay sa kaniya.

Sa pagtakbo ng suspek para takasan ang mga humahabol sa kaniya, pumasok siya sa isang printing shop at tinutukan ng patalim ang babae na nandoon.

Ayon kay Police Leiutenant Colonel John Guiagui, chief, District Intel. Div. MPD, nalaman niya na hindi umano binayaran sa sahod ang suspek.

Kaya hiniling umano ng suspek na mabayaran siya at makita ang kaniyang ina.

Matapos ang may isang oras na negosasyon, mapayapang sumuko ang suspek.

Sinabi ni Guiagui, ibinigay niya sa ina ng suspek ang P20,000 na sahod ng suspek.

"Sabi ko sa kaniya yumakap ka sa akin walang mangyayari sa iyo. Ibinaba niya yung kutsilyo and that's it. Natapos nang maayos," dagdag ng opisyal.

Sa police station, sinabi ng suspek na wala siyang balak na mang-hostage at napatakbo lang siya dahil sa mga humahabol sa kaniya.

Mahaharap ang suspek sa mga reklamong illegal detention, alarm and scandal, at illegal possession of deadly weapon.-- FRJ, GMA Integrated News