Batong ginamit sa "Darna" ni Kapuso primetime queen Marian Rivera, at sumbrero ni April Boy Regino — ilan lamang ito sa mga nasa koleksyon ng kolektor at content creator na si Boss Toyo, na layong bigyan ng halaga ang gamit ng Filipino artists.
Sa "I Juander," sinabing ina-upload ni Boss Toyo, o Jayson Luzadas sa tunay na buhay, ang mga kagamitan ng Pinoy artists sa kaniyang online show na "Pinoy Pawn Stars."
"Ang Pinoy Pawn Stars ginawa ko talaga ito para doon sa mga artists natin. Gusto ko kasing bigyan ng halaga 'yung mga gamit nila," sabi ni Boss Toyo.
Nakuha ni Boss Toyo ang ginamit na bato sa TV series remake na Darna (2009), mula mismo kay Buboy Villar, na gumanap bilang si Ding.
Nakuha naman ni Boss Toyo ang sumbrero ni April Boy, sa isang concert nito sa abroad.
Nasa koleksiyon din ang isang GMA medal na bigay sa kaniya ni Pekto, shades na ginamit sa huling concert ng Ex Battalion, at gold and diamond eyeglass ni Whamos.
Isang seller naman ang nagtungo sa shop ni Boss Toyo para ibenta ang isang laruang RoboCop mula pa noong 1997 o 1998.
Sa magkanong halaga kaya mabibili ni Boss Toyo ang rare na RoboCop toy? Alamin. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News