Dahil magkamukhang-magkamukha ang triplet na sina Geraldine, Glaiza at Gillian, pati ang umano'y "kakaibang nilalang" na nagpaparamdam sa kanila, tila hindi alam kung sino sa triplet ang pipiliin.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng magkakapatid na silang tatlo ay pinagpaparamdaman ng kakaibang nilalang.

Paniwala nila, bangkay o "multo" ang nagpaparamdam sa kanila na nakikita nilang wasak ang mukha.

Hindi raw kataka-taka kung multo man ang nagpaparamdam sa triplet dahil ang bahay nila sa Bulacan ay napapaligiran ng sementeryo.

Tuwing hatinggabi umano madalas na magparamdam ang kakaibang nilala at kung minsan ay nakakarinig sila ng tumatawag sa kanila, o tila anino na dumadaan.

Sa tatlo, kay Gillian umano unang nagparamdam ang kakaibang nilalang, at sumunod na rin sa dalawa niyang kakambal.

Noong una, hindi raw naniniwala si Glaiza sa nagpaparamdam na kakaibang nilalang. Pero nang minsan na ka-video call niya ang isang kaanak habang nasa bahay siya, may nakita ang kaniyang kausap sa kaniyang likuran.

Pero nang sabihin ni Glaiza na mag-isa lang siya, nag-screen shot ang kaniyang kamag-anak at doon na nakita ang imahe na tila lalaki na nasa kisame.

Ayon kina Glaiza, walang puwang sa kanilang kisame na puwedeng daanan ng tao. Mukha rin umanong bangkay ang nakarehistrong imahe sa larawan.

Ang ina ng triplet na si Herselyn, inihayag na mayroon din nagpaparamdam sa kaniya noon at hinihinala niya na baka ito rin ang nanggagambala sa kaniyang mga anak.

Habang kinakapanayam, nakaramdam ng matinding kilabot si Herselyn. May nadidinig daw siyang bumubulong at tila may nakatingin sa kanila.

Kaya naman humingi na sila ng tulong para malaman kung ano ang nagpaparamdam sa kanilang bahay.

At nang puntahan ng paranormal researcher na si Anna Lisa Dela Cruz ang bahay ng triplet, kinumpirma niya na mayroong kakaibang nilalang na nagkakagusto sa triplet.

Pero hindi raw multo ang nagkakagusto sa magkakapatid. Kung ano ito, at ano ang masasabi ng eksperto tungkol sa imahe na nakita sa kisame,  alamin sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA News