Ilang araw na naging malaking palaisipan sa mga residente sa isang barangay sa Tabogon, Cebu ang isang dambuhalang itlog na nakita sa kakahuyan.
Kuwento ni Winefredo Singuran sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," nag-aayos siya ng linya ng tubig nang may madinig siyang bumagsak mula sa puno ng mangga.
Nang puntahan niya ang lugar upang alamin kung ano ang bumagsak, nakita niya sa lupa ang dambuhalang itlog na may bigat na mahigit isang kilo at halos kasinglaki ng mukha ng bata.
Ayon kay Singuran, wala naman siyang nakitang ibon o hayop mula sa puno, at wala ring ibang tao sa lugar.
Dahil wala naman daw nag-aalaga ng ostrich sa kanilang lugar, isinangtabi ng mga tao ang posibilidad na baka itlog iyon ng dambuhalang ibon.
Kaya naman nagkaroon ng kaniya-kaniyang espekulasyon ang mga tao tungkol sa ibon. May ilang nag-isip na baka itlog iyon ng dinosaur o baka galing sa alien.
May mga naniniwala rin na suwerte ang itlog kaya may mga nagnanais na makita at mahawakan ito.
Upang malaman kung anong hayop ang maaaring pinagmulan ng itlog, sinuri ito ng mga eksperto.
Hindi raw ito mula sa reptile gaya ng sawa o buwaya dahil karaniwang pahaba ang hugis ng itlog ng naturang mga hayop.
Inilagay din sa tubig ang itlog upang alamin kung mayroon pa itong buhay o bugok na. Alamin sa video ang naging resulta ng pagsusuri. --FRJ, GMA News