Apat na lalaki ang inaresto ng mga pulis matapos maaktuhang naglalaro ng basagan ng itlog na may kasamang pustahan sa Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV, sinabing nadakip ang mga lalaki sa harap mismo ng simbahan sa Barangay Lira.
Ayon kay Police Major Christopher Ramat, hepe ng San Juan Police, may netizen na nagsumbong tungkol sa nangyayaring ilegal na sugal gamit ang hilaw na itlog.
"Yung dalawang magkalaban, nagtutuktukan ng itlog. Kung sino yung nabasag, 'yon yung talo," paliwanag ng opisyal.
Hindi naman umano ilegal ang paglalaro ng basagan ng itlog. Pero naging ilegal na paraan ito ng sugal dahil nagpustahan ang mga naaresto na abot sa libong piso ang halaga.
Nakumpiska sa mga naaresto ang dalawang itlog at perang taya sa sugal na nagkakahalaga ng mahigit P3,000.
Wala pang pahayag ang mga naaresto, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News