Sa halip na mga kabebe o shells, mga pustiso ang napulot ng ilang beachgoer na naglalakad-lakad sa isang beach sa Paracale, Camarines Norte.

Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog," may mga netizen ang naaliw at nagulat nang i-post sa Facebook ni Keil Joshua Larisma, Sangguniang Kabataan kagawad ng Jose Panganiban, ang mga napulot nilang pustiso na umabot sa 11 piraso sa beach.

Nagpunta raw sina Larisma sa beach para sa night swimming. Nang magpasya silang maglakad-lakad sa dalampasigan, doon nila nakita ang mga pustiso na halos magkakatabi at magkakaiba ang sukat.

“Nung hibas ang tubig sa dagat, nagkaayayaan kami na mangilaw ng kasag at isda sa tabing dagat. Maya-maya may nakita kaming pustiso, laking gulat at tawa namin dahil sa pustiso. Tapos sunod-sunod pati magkakasama pang sila sa isang area,” kuwento ni Larisma.

Bagaman hindi naman sila umaasa na may maghahanap pa sa mga pustiso, nagpasya raw silang itabi ang mga ito at ipinost niya sa social media.

Ayon kay Larisma, may ilan na nagpadala ng mensahe na nagsabi na nawalan sila ng pustiso sa beach. Pero wala pa naman daw nagpupunta sa kanilang barangay hall para kumuha ng pustiso.

Sadya raw na may mga nawawalan ng pustiso sa beach lalo na kung malakas ang alon kaya nagpayo sila na alisin na lang muna ang pustiso bago lumusong sa tubig. --FRJ, GMA News