Nabahala ang isang magsasaka nang malaman niyang nawawala ang dalawa niyang kambing. Iyon pala, ninakaw ng kaniyang tauhan ang mga hayop at ibinebenta para may maipambayad sa nainom sa bar sa Ilocos Sur.

Sa ulat ni Tere Sundayon sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," sinabing ang mga kambing ay pag-aari ni Anuario Tinaza ng Barangay Camestizoan sa bayan ng Santo Domingo.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nag-iinom ang suspek sa isang bar at umabot sa P3,000 ang kaniyang bill.

Dahil walang perang pambayad sa bill, nagpaalam umano ang suspek sa floor manager ng bar na aalis muna para magbenta ng kambing.

Sinasabing ibinenta ng suspek ang kambing sa kaniyang kainuman.

Labis din na nag-alala ang anak ni Tinaza dahil galing sa proyekto ng lokal na pamahalaan ang naturang mga kambing.

Nag-post siya sa social media tungkol sa nawawalang mga kambing at naibalik naman sa kanila.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang suspek, habang nagbigay naman ng paalala si Tinaza na huwag basta magtitiwala.

--FRJ, GMA News