Isang buntis na kukuha lang sana ng resulta ng kaniyang swab test sa COVID-19 ang biglang napaanak sa loob ng tricycle sa Quezon City.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing hindi na nadala sa ospital si Angeline Rodriguez, at ang mga contact tracer na lang ang tumulong sa kaniyang manganak.
“Si baby is nakapulupot pa ‘yung cord niya sa leeg niya that time. Tapos nung paglabas ni baby, kumbaga hindi agad nakalabas ‘yung placenta kasi gawa nga sa posisyon din ni mother dahil nasa loob lang siya ng tricycle,” ayon kay Jocelyn Caliwanagan, isang sa mga contact tracer.
Maayos naman na nailuwal ni Rodriguez ang kaniyang sanggol na lalaki dahil pawang may medical background ang mga contact tracer.
“Kinabahan ako dahil wala po kaming kagamit-gamit,” sabi ni Aileen Grace Nimer, isa ring contact tracer.
“Pinagtulung-tulungan na lang po namin ng mga CCT at saka ng mga CESU nurse namin na isalba na lang po ‘yung mag-ina,” ayon naman kay Perwina Malat.
Nakalabas na ng ospital si Rodriguez at ang kaniyang anak.
“Kung wala po sila, siguro po hindi ko po, hindi ko ma-ano ‘yung anak ko. Hindi ko akalain na may nurse doon, then may doctor, may police, na handang tumulong sa katulad ko na biglang nanganganak sa tricycle,” pasasalamat niya.--FRJ, GMA News