Isa lang ang mata at kulay puti pa. Ito ang kondisyon ng isang baby shark na natagpuan sa sinapupunan ng isang namatay na pating, na ikinagulantang ng ilang mangingisda sa Indonesia.
Sa video ng GMA Public Affairs, sinabing nasawi ang mother shark matapos itong mahuli sa lambat.
Nang hiwain ng mga mangingisda ang tiyan ng pating para tanggalin ang kaniyang lamang-loob, nakita nila ang tatlong maliliit na pating-- kabilang ang pambihirang ang "albino one-eyed shark."
Ayon sa mga mangingisda, buo at normal naman ang ibang bahagi ng katawan ng kawawang pating, maliban sa kulay at nag-iisa niyang mata na nasa gitna ng ulo.
Hindi na rin nabuhay pa ang sanggol na pating.
Ayon sa mga siyentipiko, may kondisyong Cyclopia ang sanggol na pating, na isang congenital disorder kung saan iisang mata lang ang nabuo rito.
Mayroon ding "albinism" ang baby shark kaya mababa ang melanin nito, dahilan kaya puti ang kaniyang kulay.
Dahil sa kondisyon, mahihirapan din daw na mabuhay nang matagal ang batang pating sa labas ng sinapupunan, ayon pa sa mga eksperto.
Hindi raw ito ang unang beses na may natagpuang "Cyclops shark." Noong 2011, may nakakita rin daw na ganitong pating ang isang mangingisda sa Amerika. --FRJ, GMA News