Isang lalaki sa Bacoor, Cavite ang inaresto matapos mahulihan ng isang sachet na hinihinalang may lamang shabu. Pag-amin ng suspek, galing sa natanggap niyang P6,500 na Social Amelioration Program (SAP) ang ipinambili niya ng droga.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing dinakip ng mga awtoridad si Clark Jerel Navalta, nitong Huwebes ng gabi.
Inihayag nito na katatanggap lang niya ng P6,500 na ayuda ng pamahalaan para sa mga mahihirap sa ilalim ng SAP ngayong umiiral ang enhanced community quarantine.
"Bumili po muna ako ng groceries po tapos kumuha po ng mga halagang P150 lang naman po 'yon at nag-drugs po," pag-amin ni Navalta.
"Kasi may extra po ako sa construction, pinapa-extra po ako dun sa banda sa amin. Kaya sinubukan ko po na kumuha (ng droga) para magkalakas lang ng konti," patuloy niya.
Sa isa pang ulat, dalawang lalaki naman na benepisaryo ng SAP ang hindi na makatatanggap ng P6,500 na ayuda matapos silang mahuling nagsasabong ng manok.
Nitong Huwebes ng gabi, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang umasa sa tulong ng gobyerno ang mga mahuhuling nagsasabong dahil may pera naman sila sa pagsusugal.
Pinaalalahanan ni Bacoor Mayor Lani Mercado Revilla ang kaniyang mga kababayan na gamitin sa tama ang natatanggap na ayuda.
"Sa atin pong mga kababayan na nakatanggap na po ng P6,500 na ayuda mula po sa SPA, spend it wisely. Huwag po nating gamitin ito sa bisyo, tipirin po natin ito dahil hindi po natin alam kung hanggan kailan po itong enhaced community quarantine," payo ng alkalde.
Sa ngayon ay patuloy umano ang pamimigay ng SAP sa mga residente ng Bacoor. --FRJ, GMA News