Isang dog trainer ang hinahangaan dahil nagawa niyang turuan ang mga aso kahit wala siyang formal training. Ang isa niyang aso, nauutusan niyang ikulong ang sarili.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang mga tricks na itinuro ni Tristan Huertas sa kaniyang mga alagang aso, tulad ni Milo na isang jack russel.

Bukod sa kaya ni Milo na ikulong ang kaniyang sarili, kaya rin niyang magsayaw, magmasahe, umarteng magpatay-patayan, at iba pa.

Kamakailan lang ay kinaaliwan ang video post ni Huertas sa social media kung saan makikita ang kaniyang mga aso na isa-isang lumalapit sa kaniya kapag tinawag ang pangalan para kumain.

Mula sa dating hilig lang sa pagtuturo sa mga aso na natutunan niya sa pamamagitan ng panonood ng mga video sa Youtube at pagbabasa, ngayon ay isa na siyang full time dog trainer at proud owner ng walong aso na iba-iba ang breed o lahi.

Bukod sa panonood ng video, pagbabasa, mahalaga rin daw ang araw-araw na pakikisalamuha sa mga alaga.

"Ang ginawa ko sir combination ng training, 'yung positive reinforcement saka behavioral training. Kasi hindi po lahat ng aso kailangan mapasunod niyo sa treats," paliwanag niya.

Dagdag pa niya, "Eto ang tao, eto ang aso, pero 'yung pagmamahal ko sa aso pantay sa tao, pantay sa asawa ko."

Bukod sa kaniyang walong alaga, may ilan pang mga aso na tinuturuan si Huertas sa kanyang dog training school na Milo and Friends.

Nae-extra rin daw minsan ang kaniyang mga alaga sa mga commercial at mga pelikula.

Sabi ni Huertas, hindi lang daw ang mga aso ang dapat na may matutunan sa mga tao, bagkos ay may matutunan din ang tao sa aso.

"Ang aso bigyan mo ng pagkain masayang masaya na. Ang tao minsan tulungan mo, minsan may masasabi pa sa'yo 'pag kulang 'yung pagbigay mo," saad niya.-- FRJ, GMA News