Natagpuang patay at may sugat sa leeg ang 21 panabong na mga manok sa Cagayan de Oro City. Hinala ng mga residente, posibleng inatake ng misteryosong "Sigbin" ang mga manok.
Sa ulat ni Clyde Macascas sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing nakita ng mga residente ang mga patay na manok sa Barangay Kauswagan nitong Linggo ng umaga.
Kuwento ng mga caretaker ng mga manok, nakarinig sila ng ingay ang mga manok at maging ng aso noong Sabado ng gabi.
"Suspek namin na gawain ito ng mga 'sigbin' kasi sa leeg at likod ang mga sugat," sabi ng caretaker na si Joel Gabo.
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," inilarawan ang sigbin na nahahawig daw sa kambing na walang sungay, malaki ang tenga na singlaki ng palad ng tao, nakasuko ang ulo sa gitna ng dalawang paa sa harap, at mahaba ang buntot.
WATCH: Kapuso Mo, Jessica Soho: Totoo ba ang ‘sigbin’?
Bagaman may mga aso na nagbabantay sa mga manok, hindi naniniwala ang may-ari ng mga manok na ang mga aso ang pumatay sa kaniyang mga alaga.
Ayon pa sa kanila, ngayon lang nangyari ang insidente.
"Ang aso lang ang naririnig ko na ang tapang tumahol, tapos parang may kakagatin siya pero bumabalik naman paatras. Inilawan ko, nasa bahay ako nu'n pero wala talagang tao," ayon pa kay Gabo.
Ayaw ng may-ari ng mga manok na palakihin pa ang isyu, at wala na siyang planong ini-report ang insidente sa pulisya.
Umaasa na lamang siyang hindi na mangyayaring muli ang pagpatay sa mga manok. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News