Dahil tabla ang boto para sa ikapito at huling puwesto sa pagka-kagawad sa isang barangay sa Aparri, Cagayan, idinaan na lang sa toss coin kung sino sa kanila ang panalo.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Martes, kinilala ang dalawang kandidato na nagtabla sa boto na sina Gerry Ontiveros (dating barangay chairman), at ang bagong kandidata na si Janet Nares, ng Barangay Centro 2.
Pumayag naman ang dalawa sa mungkahi ng mga namamahala sa botohan na idaan sa toss coin ang pagpili ng ikapitong kagawad ng barangay.
Pinili ni Nares ang "ulo" sa coin, habang ang "buntot" naman ang napunta kay Ontiveros.
Nang ibato ang barya, lumitaw ang ulo na nagselyo kay Ontiveros na panalo bilang ikapitong barangay kagawad.
Maluwag naman sa kalooban ni Nares na tinanggap ang resulta ng toss coin at kinamayan ang kaniyang naging mahigpit na nakatunggali. —FRJ/KG, GMA News