Inaalam ngayon ng mga awtoridad ang dahilan ng pagkamatay ng daan-daang ibong maya na tumambad sa isang lugar sa Malolos, Bulacan.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing nabahala ang mga residente dahil sa dami ng namatay ng maya sa kanilang lugar.
Isa sa kanilang hinala, baka nagkaroon ng avian influenza ang mga ibon kaya namatay bunga na rin sa nangyaring bird flu outbreak sa katabing probinsya ng Pampanga.
Kaya naman ipinaalam na nila ito sa Bulacan Provincial Veterinary Office ang nangyaring insidente.
Ngunit paliwanag ni Provincial veterinarian doctor na si Voltaire Basinang, wala pang naitatalang kaso ng bird flu sa mga ibong maya kaya hindi dapat mabahala ang mga residente.
Ang hinala niya, posibleng may nagsaboy ng pesticide sa lugar na dahilan ng pagkasawi ng mga ibon. -- FRJ/KVD, GMA News