Disgrasya ang inabot ng kalikutan ng isang tuta matapos na maipit ang kaniyang ulo sa bakal na lampshade frame sa Ormoc City.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, hindi mapakali at umiiyak na nagpupumiglas sa sakit ang tuta dahil hindi niya maalis ang bakal na nakaipit sa kaniyang leeg.
Sinubukan ng mga residente na maalis ang ulo ng tuta sa bakal sa pamamagitan ng paglalagay ng sabon sa leeg ng hayop sa pag-asang dudulas ito para makalaya ang hayop.
Pero bigo ang naturang taktika at tila lalo lang nasaktan ang tuta.
Kaya naman nagpasya na lang silang gumamit na ng lagare para maputol ang bakal.
Habang ginagawa ang paglagare, iniingatan nilang hindi matamaan ang ulo at leeg ng tuta, na tahimik na tila nakikiramdam sa ginagawa sa kaniya.
Sa huli, naputol ang bakal at nakalaya sa pagkakasakal ang tuta na balik na muli sa paglalaro.
Ayon sa may-ari ng tuta, posibleng aksidenteng napasok ng tuta ang ulo nito sa bakal na lampshade frame habang nakikipaglaro sa kaniyang mga kapatid. -- FRJ, GMA News