Nakatakdang pauwiin sa Pilipinas ang nasa 15 Pilipino na hindi dokumentado sa Amerika bilang bahagi ng pangako ni US President Donald Trump sa kaniyang kampanya laban sa illegal migrants sa kanilang bansa.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News Saksi nitong Lunes, sinabing inihayag ng White House noong Huwebes na nasa 538 ang ginawang pag-aresto ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) sa buong bansa, na mas mataas sa daily average na inaresto ng ahensiya noong 2023 at 2024.
Ayon kay "border czar" Tom Homan, asahan na tataas pa ang bilang ng mga aarestuhin at posibleng gawin din ang pag-aresto maging sa loob ng mga paaralan at simbahan.
Sa Chicago, isang bahay ang kinatok ng mga tauhan ng ICE at inaresto ang isang lalaki.
Sa Colorado, tinatayang 50 undocumented migrants naman ang inaresto sa isang club.
Ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, karamihan sa mga ipapa-deport na Pinoy ay hindi nag-renew ng kanilang work permit.
Pinayuhan niya ang mga Pinoy sa US na ayusin ang kanilang dokumento sa pananatili doon.
Handa rin umano ang embahada na tulungan ang mga Pinoy na maapektuhan ng crackdown ng US laban sa ilegal na naninirahan sa nasabing bansa.
Sa hiwalay na panayam ng Super Radyo dzBB kay Romualdez nitong Linggo, sinabi niya na may 20 Pinoy na ang ipina-deport na ang ilan ay konektado sa ilegal na aktibidad pero hindi naman malalaking krimen.
“Ang bilang namin something like 24 na. They have already been deported dahil they were, meron silang... hindi naman very serious crimes, pero they were involved in some criminal activity,” ayon sa opisyal.
Una rito, sinabi rin ng opisyal na unang pupuntiryahin ng mga awtoridad sa US ang mga illegal migrants doon na sangkot sa mga kriminal na gawain.
Sinabi rin ni Romualdez na may pag-asa naman ang mga Pinoy na legal na nagtatrabaho sa US na magkaroon ng legal status sa US.
“‘Yan ang malaking pag-asa, ‘yung mga talagang nandito na at saka nagtatrabaho naman sila at nagbabayad naman sila ng buwis. Ayan, mukhang malaki ang tiyansa nila na makukuha nila ‘yung legal status, lalo na 'pag ini-sponsoran na sila ng kanilang mga employers,” paliwanag niya.
Noong nakaraang Nobyembre, sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na handa rin itong tumulong sa tinatayang 300,000 undocumented Filipinos sa US kapag pinauwi sa bansa. --FRJ, GMA Integrated News