Inihayag ni Pokwang na isa na siyang lola sa apat na taong gulang na apo mula sa kaniyang anak na si Mae.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, inihayag ng "TiktoClock" host ang love advice niya sa kaniyang anak.

Saad ni Pokwang kay Mae, nais niyang ingatan ng kaniyang anak ang puso nito. Kasunod nito ay humingi siya ng permiso sa anak na sabihin ang tungkol sa anak nito na apat na taong gulang na.

"Tito Boy, may apo na 'ko. I'm a lola and it's another blessing," saad ni Pokwang na hindi napigilan na maiyak.

"I have [a] four-year old [apo], super, super cute. Another blessing ng buhay ko. Another reason na ipagdasal ko 'yung sarili ko na humaba pa 'yung buhay ko para makita ko 'yung paglaki. Tapos super, super, super cute na bata, super talino four years old. I'm so proud, I'm a proud lola," ayon sa aktres.

Sinabi rin ni Pokwang na "Mamita" ang nais sana niyang itawag sa kaniya ng apo pero "Mommy Gay" daw ang tawag sa kaniya nito.

Kuwento ng aktres, nabuntis si Mae nang magtatrabaho na sana ito sa New York pero hindi natuloy nang magkaroon ng pandemic.

Hindi raw siya nagalit sa anak nang mabuntis ito.

"Lagi kong sinasabi maka-graduate ka lang masaya na 'ko. Kasi 'yun lang talaga. Sinunod naman niya ako kahit masakit sa likod 'yung tuition fee niya. Sabi ko, 'Anak maka-graduate ka lang, ako na 'yung pinakamasayang nanay," patuloy ni Pokwang.

Nagtapos si Mae sa kursong Culinary Arts sa Enderun Colleges.

"Ginawa naman niya. Naka-graduate siya, nakapagtrabaho siya, hindi naman siya naging pasaway na bata. Hindi naman siya naging sakit na ulong anak. Kaya nung nalaman ko na she's pregnant, I am so so so happy. Hindi ako nagalit, hindi ko siya sinumbatan," kuwento pa ng aktres.

Si Mae at ang non-showbiz partner ang nag-aasikaso ngayon sa negosyo ni Pokwang.

Ayon kay Mae, may plano na sila ng kaniyang partner na magpakasal pero prayoridad nila sa ngayon ang kanilang anak at ang kaniyang kapatid na si Malia. — FRJ, GMA Integrated News