Hindi napigilan na maiyak ng ilang dumalo sa graduation ceremony nang magtalumpati ang class valedictorian na nagtapos sa elementarya sa isang paaralan sa Davao del Norte nang ilahad niya ang hirap ng kanilang pamumuhay.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakilala ang 13-anyos na si Jenilyn Maylas, na mula sa Sitio Linayapan, sa kabundukan ng Talaingod, na tirahan ng mga katutubong Ata-Manobo.
"Isang malaking karangalan po ang makapagsalita sa harapan ninyo," panimula niya sa kaniyang talumpati.
At nang ilahad niya ang hirap ng kanilang buhay, hindi napigilan ng mga dumalo ang maiyak.
"Kamoteng kahoy, saging at kamote ang aming kinakain minsan. At kahit sa mahirap na pamamaraan mabuhay... nakuha pa rin namin na mamuhay nang masaya."
Sabi pa niya, "Dahil ang buhay ay hindi lamang puro kasiyahan, kakambal din nito ang sakit."
Nang puntahan ng KMJS team ang lugar nina Jenilyn, mula sa Tagum City, dalawang oras ang kailangang lakbayan sakay ng four wheel vehicle papunta sa Barangay Sto Nino.
Pagkatapos nito, kalahating oras pa ang kailangang lakbayan naman sakay ng habal habal o motorsiklo paakyat ng bundok. Pero dahil makipot, lubak-lubak at matarik na daan, nagdesisyon ang team na maglakad na lang na tumagal ng mahigit isang oras.
Pagtatanim ng kamote, balinghoy, saging at pag-a-abaca ang ikinabubuhay ng mga tao sa lugar ni Jenilyn.
Sa 20 mag-aaral sa grade 6, nangibabaw si Jenilyn sa mga nagtapos sa mula sa Malapanit Primary Cchool Linayapan Extension.
Ayon kay titser Jarlord Marsamolo, magaling magbasa at makisalamuha si Jenilyn, at sadyang angat sa ibang mag-aaral.
Math ang paboritong subject ni Jenilyn, na pangarap na maging duktor balang araw.
Tuwing may pasok, kailangan ni Jenilyn na magluto o maglaga ng kamote na kaniyang almusal, at iyon na rin ang kaniyang ibinabaon sa eskuwelahan.
Dahil wala siyang bag, sa dahon ng saging niya inilalagay ang mga kamote, at saka ilalagay sa plastik.
Kapag may nakitang kaklase na may bag, ipalalagay na lang niya sa bag hanggang makarating paaralan.
Ginto kung ituring ng mga tao sa kanilang lugar ang bigas dahil wala silang sapat na pera para bumili nito.
"Masaya po ako kapag nakakanggap na kami ng galing sa 4Ps, may pambili na kami ng bigas," sabi ni Jenilyn.
"Ang bigas parang ginto. Masaya ako kapag may bigas kami dahil mabubusog at matagal kami makakaramdam ng gutom," dagdag niya.
Kaya naman sa kaniyang talumpati sa araw ng kanilang pagtatapos, nakasentro ito tungkol sa kanilang sikmura, at kanilang pamumuhay.
Ngunit papaano kaya matutulungan ang mga katulad ni Jenilyn upang makapagpatuloy ang pag-aaral sa kabila ng kanilang kahirapan? Anong hakbang ang maaaring gawin ng pamahalaan? Tunghayan sa video ang buo niyang kuwento. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News