Damang dama na ang kapaskuhan dahil sa todo-hataw na pagsayaw at pagkanta ng grupong Jingle Beks sa kanilang pangangaroling sa mga kabahayan sa Antipolo, Rizal. Ang kanilang video, umabot na ng 6.6 milyong views.

Sa Unang Hirit, ikinuwento ng kanilang leader na si Louie magkakaibigan at magkakapitbahay ang kanilang grupo na nagsimula pa noong 2014.

"Actually way back 2014, nangangaroling na po ako in a simple way po. And then naisip po namin napaka-casual naman po no'n, so sinubukan namin na gawing level-up. After a few years, nagustuhan ng mga napupuntahan naming mga bahay," sabi ni Louie.

"May mga gabi po na hindi mataas, meron din naman pong araw na matataas, almost P1,000 po ang inaabot kada gabi," sabi ni Louie tungkol sa kanilang natatanggap na mga pamasko sa kanilang pangangaroling.

"Unfortunately kadalasan mababa rin, less than P100, pero we're still thankful pa rin naman po," dagdag niya.

Tunghayan ang kanilang performance level na pangangaroling sa Unang Hirit. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News