Hindi inakala ng isang magsasakang hikahos sa buhay na matutupad ang kaniyang pinapangarap na magkaroon ng kalabaw dahil sa isang "pulubing" naligaw sa kaniyang lugar at binigyan niya ng pagkain at inumin.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, ipinakilala ang vlogger na si Lucky o KingLuckss, na nagpapanggap na pulubi at magbibigay ng pera sa taong tutulong sa kaniya.
Kuwento ni Lucky, sinimulan niya bilang social experiment noong magkaroon ng pandemya ang kanilang vlog. Nagpanggap siyang pulubi at sinubukan kung may tao pa kayang handang tumulong sa naghihikahos kahit mahirap ang buhay ngayon.
Laking gulat ni Lucky na umabot pa rin sa P1,800 ang natanggap niya sa pagpapanggap bilang pulubi.
Kaya naman naisipan niyang ibalik ang kinikita niya sa pagba-vlog sa mga taong magpapakita ng kabutihan sa gagawin niyang pagpapanggap na pulubi.
Minsan siyang nagpanggap na pulubi na nais bigyan ng regalong gulay ang kaniyang ina, pulubing nauuhaw, at pulubing nagugutom. Ang lahat ng taong tumugon sa pangangailangan niya bilang pulubi, binigyan niya ng pera.
Hanggang sa ini-level up ni Lucky ang kaniyang pagtulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang kalabaw na buntis na nagkakahalaga ng P44,000.
Nagpatulong si Lucky na hanapin ang magsasaka na karapat-dapat na mabiyayaan ng kalabaw. Hanggang sa may magturo sa kinaroroonan ni Richard, isang padre de pamilya, na taga-San Rafael, Iloilo.
Bagaman may lupain para masaka, hikahos pa rin sa buhay si Richard. Katunayan, naibenta nila ang bahagi ng kanilang lupa nang magkasakit ang kaniyang ina.
At dahil walang kalabaw, mano-mano na binubungkal ni Richard ang lupa para magtanim ng mais, palay at saging. Siya rin ang nagbubuhat ng mga gamit kahit pa mahirap ang daanan dahil maputik.
Kaya naman idinadalangin niya sa Diyos na dumating sana ang araw na magkaroon siya ng kalabaw na makakatuwang niya sa pagsasaka.
Hanggang sa isang araw, dumating sa lugar niya si Lucky na muling nagpanggap na pulubi na humingi kay Richard ng tubig na maiinom.
Pero hindi lang tubig ang ibinigay ni Richard kay Lucky kung hindi may kasama pang kanin at tuyo. Nakipagkuwentuhan pa siya sa estranghero.
Dahil sa ipinakitang kabaitan at kasipagan ni Richard, sinabi ni Lucky na darating ang araw na "susuklian" niya ang kabutihan ng loob ng magsasaka.
Hindi na pinatagal ni Lucky ang naturang araw dahil kinabukasan, bumalik siya kina Richard dala na ang kalabaw.
Panoorin ang nakaantig na mga tagpo sa kanilang muling pagkikita sa video na ito ng "KMJS." Huwag palalampasin.
--FRJ, GMA News