Isang lalaking overseas Filipino worker ang hinalay ng isang lalaking kumuha ng kaniyang Iqama o residence permit. Ang biktima, walong buwan pa lang na nagtatrabaho sa Jeddah, Saudi Arabia.
Ayon sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, ikinuwento ng biktimang itinago sa pangalang “Peter,” na nasa tindahan siya nang lapitan siya ng salarin at sitahin.
Sapilitan din daw nitong kinuha ang kaniyang iqama at pinapasakay siya sa kotse.
Dahil hindi marunong ng wikang Arabic si Peter na walong buwan pa lamang nagtatrabaho bilang waiter doon, napilitan siyang sumunod sa lalaki dahil sa kagustuhan niyang mabawi ang kaniyang iqama.
“Sabi ko o sige sasakay ako ng kotse mo basta ibigay mo lang ‘yong iqama ko. Tapos pagsakay ko ng kotse, doon na napilitan na ako,” mangiyak-ngiyak na ibinahagi ni Peter.
“Noong time na ‘yon I was really vulnerable and weak. Hindi ako nabigyan ng chance na lumaban kasi ‘yon nga nauna ‘yong takot ko,” dagdag pa ng biktima.
Matapos ang insidente, kaagad na nagpasaklolo si Peter sa kaniyang mga katrabaho para magsumbong sa pulis.
“Nagpunta na kami ng pinakamalapit na presinto. Inimbestigahan kami kung ano nangyari mula umpisa hanggang matapos. Nakuha ‘yong pinaka-hitsura ng tao pagkatapos noon, the next day, doon na nakuha ‘yong tao kaagad,” ayon sa katrabaho ni Peter.
Kasalukuyang nakakulong ng suspek at inihahanda na ang mga kaso laban sa kaniya.
Samantala, nag-alok naman ng tulong ang konsulado ng Pilipinas sa biktima.
Dahil sa kaniyang karanasan, ipinayo ni Peter sa mga katulad niyang OFW na laging mag-ingat.
“Maging aware sila na kung sakaling may mangyaring ganoon, maging malakas, maging mas matatag. ‘Wag nilang hahayaan na mangyari ‘yon sa kanila. Maging palaban,” ani Peter.-- Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News