Patay na ang mga alagang aso nang makita ng may-ari nito sa Agoo, La Union. Ang mga aso, nilason umano ng kapitbahay na namatayan naman ng mga panabong na manok, at ang mga aso ang itinuturong dahilan.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong Biyernes.
Ayon kay Kate Nalyn Bulacan, makita niya ang kaniyang mga alagang aso na nakatumba na at bumubula ang bibig, malapit sa kanilang tindahan.
“Tiyak na nilason ang mga alaga ko,” sabi ni Bulacan dahil sa nakitang lalagyan ng pagkain na malapit sa bangkay ng mga aso.
Nalaman umano kinalaunan ni Bulacan na ang kapitbahay nila ang may kagagawan sa pagkamatay ng kaniyang mga alaga.
Ang mga aso umano ni Bulacan ang sinisisi ang kapitbahay sa pagkamatay naman ng mga alaga nitong manok na panabong.
“Kung nagkasala ang aso namin, sana sinabi nila sa amin. Nagpunta sana sila sa barangay,” ani Bulacan.
Ayon kay Bulacan, wala namang sinasabi ang kanilang kapitbahay kung ilang manok ang namatay.
Bagaman aminado si Bulacan na may manok na namatay, wala naman daw kasiguraduhan kung ang mga aso niya ang umatake sa mga manok dahil open area ang kanilang lugar.
Kinondena ng Animal Kingdom Foundation (AKF) ang ginawang paglason sa mga aso na isa umanong uri ng animal cruelty.
“This is very cruel. We condemn this act of cruelty… Bawal ito sa ating batas and siyempre, napaka-immoral naman nito,” sabi ni AKF Program Director Atty. Heidi Marquez-Caguioa.
Iimbestigahan umano ng AKF ang insidente para mapanagot ang mga may kasalanan.
Nagpaalala rin ang AKF sa mga pet owners na maging responsable sa kanilang mga alagang hayop para sa proteksyon din ng ibang hayop.
Wala pang pahayag ang sinabing kapitbahay na caretaker ng mga manok na umason umano sa mga aso. -- FRJ, GMA Integrated News