Base sa Philippine Statistics Authority, ang heart disease ang isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino. Anu-ano nga ba ang mga sintomas na dapat tandaan sa sakit na ito at paano ito maiiwasan?
Sa programang "Unang Hirit," inilahad ni Dr. Avenilo Aventura Jr., Executive Director IV ng Philippine Heart Center, na dalawa ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng sakit sa puso: congenital at acquired.
Kung congenital, posibleng isinilang na ang tao na may sadyang may problema sa puso gaya ng pagkakaroon nito ng butas.
Kung "acquired" naman, inilahad ni Aventura ang mga sanhi kung bakit nagkakasakit sa puso ang isang tao.
"'Yung ating lifestyle na ginagawa, 'yung pagkain nang hindi maganda, maalat na pagkain. Alam niyo naman ang mga Pilipino medyo mahilig sa maalat... taba, alat, tsaka 'yung matatamis," anang doktor.
Dagdag ni Aventura, posible ring magdulot ng sakit sa puso ang pag-inom ng beer, kulang sa ehersisyo o inactivity, at paninigarilyo.
Ayon sa doktor, kapag kain nang kain ng matamis, nasisira ang epithelial layer ng blood vessels at ng puso.
"Nagkakaroon ng mga buhol-buhol, nagkakaroon ng mga calcification, puwedeng magbara 'yon," sabi niya.
Kapag inatake sa puso, nagkakaroon ng blockage sa daanan ng dugo.
"Most commonly, kapag inatake, nag-slip off 'yan tapos nagbabara. Puwede 'yan ang kailangan gagawin, either medicine lang or puwede tayong maglagay ng stent para mabuksan, at saka 'yung bypass," sabi ni Aventura.
Madalas na nagkakaroon ng mga bara dahil sa cholesterol, diabetes at hypertension, at iba pa.
Ilan sa mga sintomas o red flag ng heart attack ang paninikip ng dibdib, sakit na umaabot sa kaliwang balikat, likod at panga, kakapusan sa paghinga, pagkahilo at pinagpapawisan nang malamig.
Panoorin sa video ang buong talakayan sa paksang ito ng sakit sa puso. -- FRJ, GMA Integrated News