Nakakadena, hubo't hubad, at nasa labas ng bahay na lantad sa init at ulan nang unang maitampok sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang isang 22-anyos na babae na may problema sa pag-iisip. Ilan buwan pa lang mula nang sagipin siya at ipagamot, malaki na ang kaniyang naging pagbabago.
Sa nakaraang episode ng "KMJS," kinumusta ang kalagayan ng 22-anyos na babae na itinago sa pangalang "Jane," mula sa Sultan Kudarat, tatlong buwan makaraang sagipin siya mula sa kaniyang kalunos-lunos na kalagayan noon.
Napilitan ang pamilya ni Jane na ikadena siya [sa loob ng dalawang taon] para na rin sa kaniyang kaligtasan dahil sa problema sa kaniyang pag-iisip na napag-alaman na bunga ng kaniyang kondisyon na "psychosis."
Ayon sa kaniyang pamilya, nagsimula nilang mapansin ang pagbabago sa ugali ni Jane mula nang mabuntis siya ng kaniyang nobyo noong 2018.
"Nakita namin na ginugupit niya ang buhok niya," ani Jomar, kapatid ni Jane. "Pinuputol niya ang buhok niya gamit ang ngipin niya."
"Gabi nu'ng sumakit 'yung tiyan niya at umiiyak at sinusuntok niya ang tiyan niya at nakita namin na may dugo na lumalabas at dinala sa munisipyo (sa birthing) at doon na nanganak," patuloy niya.
Nananakit umano ng mga taong nakakasalubong si Jane, at gumagala kaya napilitan silang ikadena na lang siya. Ang damit na suot niya, inaalis naman daw ni Jane.
"Masakit man pero wala naman kasi kaming magawa," sabi pa ni Jomar.
Dahil sa kahirapan, hindi kayang ipatingin ng pamilya sa duktor si Jane. Pero ayon kay Jomar, kapag nasa matinong pag-iisip ang kapatid, nababanggit nito ang kagustuhan na ipagamot siya.
"Gusto niya sana magpagamot. Sabi ko, wala tayong pera,'" sabi ni Jomar.
Hanggang sa may naglapit sa "KMJS" ng kalagayan ni Jane. At sa tulong ng Rural Health Unit at provincial government ng Sultan Kudarat, nakakawala sa kadena si Jane at ipinagamot.
Tatlong buwan pa lang matapos nito, bumuti na ang kalagayan ni Jane. Malaya na siyang nakakalakad, nakakausap, at nakatutulong na rin sa pagtatanim ng pamilya.
"Kada dalawang linggo pumupunta sa Rural Health Unit (RHU) para magpa-inject at para mabigyan ng vitamin," sabi ni Jomar."Nakakapag-relax na siya. Tuloy-tuloy na rin ang kanyang pagtulog kasi magkatabi sila ni nanay."
Unti-unti ring nakikilala ni Jane ang kaniyang anak na si Lyn Lyn.
Dahil na rin sa mga tulong na natanggap ng pamilya para kay Jane, naipagawa siya ng maayos na kubo na kaniyang tirahan.
Nakabili rin sila ng secondhand na motorsiklo na nagagamit nila para sa mga pangangailangan ni Jane.
Natubos na rin nila ang lupa na naisangla nila noon.
Kaya naman labis ang pasasalamat ng pamilya sa lahat ng tumulong sa kanila at kay Jane.
"Nagpapasalamat po ako sa inyo Ma'am sa binigay n'yo po sa kanya. Masaya po kami na okay na po siya," sabi ni Damen na kapatid ni Jane.
Sa mga nakararanas ng mental health issues, maaari humingi ng tulong sa National Center for Mental Health sa 09178998727, 09663514518, at 09086392672. —FRJ, GMA Integrated News