Ano nga ba ang Zodiac signs na mas masuwerte ngayong taon ng 2024? Alamin sa feng shui expert na si Suzette Arandela.
Sa programang “Unang Hirit” nitong Lunes, inilahad ni Arandela ang kaniyang mga prediction sa mga Zodiac sign ngayong taon.
Ayon kay Arandela, taon ng mga Wooden Dragon ang 2024.
“Marami tayong lucky Zodiac signs. Ang number one is rat, number two is monkey, pig, very lucky ang pig, ox, at tiger,” saad ng feng shui expert.
Maganda rin umano ang 2024 para sa pag-ibig, pero may mga hiwalayan pa ring mangyayari sa mga celebrity ngayong taon.
“Mayroong mga animal sign na good for love, pero ang year na ‘to, marami pa ring maghihiwalay,” aniya.
“Especially sa ating mga celebrity, lalo na ‘yung mga matatagal nang nagsama, parang nagkasawaan na,” dagdag pa niya. “At ‘pag nagkahiwalay, wala nang balikan.”
Sa career, sinabi ni Arandela na maaaring patuluyin ang suwerte sa mga bahay sa pamamagitan ng paglalagay ng mga bagay na pampasuwerte.
“Kailangan nating hikayatin or yayain ang suwerte. Puwede tayo maglagay ng pair of dragon, gold dragon sa entrance ng office or ng bahay,” paliwanag niya.
“Maglagay tayo ng water element, or life aquarium or fountain sa north section ng bahay or office,” patuloy ni Arandela.
Gayunman, ipinaalala pa rin ni Arandela na ang pagsisikap ang pinakamabisang paraan pa rin upang suwertehin sa buhay.—FRJ, GMA Integrated News