Kahit marami ang nagtitinda ng paboritong panghimagas na espasol sa Pakil, Laguna, iba raw ang sarap ng espasol ni Lola Luding Tolentino kaya dinarayo. Ano nga ba ang sikreto niya?
Sa programang "I-Juander," ipinagmalaki nina Lola Luding at apo niyang si Aiza, na pinaghihirapan nila at may kasamang pagmamahal ang paggawa nila ng espasok.
Hindi rin maramot si Lola Luding sa pagbahagi niya ng sikreto sa paggawa ng espasol.
Ang nagpapasarap daw lalo sa espasol nila, ang powder o nakabalot dito.
"Niluluto naming mabuti. Sinasangag siya, binubusa, gigilingin siya at 'yon ang pinaka-pinagpapagulungan namin nung espasol," paliwanag ni Lola Luding.
Ayon kay Aiza, ang paggawa at pagtitinda ng kakainin ang ikinabubuhay ng kanilang pamilya. Nagiging bonding moment daw nila ang pagluluto ng espasol dahil tumutulong sila sa kanilang sa lola paghalo at pagbabalot nito.
"Niluluto siya na may pagmamahal. Three to four hours niluluto kaya medyo talagang mabigat at matagal," dagdag niya.
Bukod sa powder, kasama sa espasol ang bukayo. Pero papaano nga ba ito ginagawa? Panoorin ang buong kuwento sa video. --FRJ, GMA Integrated News