Kapansin-pansin na iba't iba ang kulay at disenyo ng liturgical vestments o kasuotan ng mga pari na pagpapakita ng pananampalataya sa Diyos. Bakit nga ba at ano ang kahulugan ng mga ito? Alamin.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Mariz Umali, sinabing kabilang sa kasuotan ng mga pari ang alba, kasulya at estola.

Ang puting estola ay sumisimbolo ng kalinisan at kagalakan.

Ayon kay Fr. Garry Clemente, parochial vicar ng San Antonio Padua Parish sa Hagonoy, Bulacan, ginagamit ng kaparian ang puti kapag Pasko ng Pagkabuhay, Pasko ng Pagsilang, at kapistahan ng Mahal na Birheng Maria.

Ang pula naman ay sumisimbolo ng pag-aalay ng sarili at martyrdom, tulad ng ginawa ng dalawang Pilipinong santo na sina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod.

Ginagamit din ang pula tuwing Linggo ng Palaspas, Biyernes Santo, at Kapistahan ng Pagpanaog ng Banal na Espiritu.

Sumisimbolo naman ang berde ng pag-asa na ang mananampalataya ay tutungo kay Kristo. Ginagamit ito kapag pangkaraniwang panahon.

Lila o violet naman ay sumisimbolo ng pagdadalamhati, at ginagamit sa panahon ng Adbiento at panahon ng Kuwaresma.

Ang rosas o pink naman ay dalawang beses lamang sa isang taon ginagamit. At ang itim ay ginagamit para sa mga misa sa patay.

Binabasbasan muna ang mga damit ng pari bago gamitin sa Misa.

Tanging ang mga pari o mga naordinahan lang ang maaaring magsuot ng liturgical vestments.

Kapag nasira o luma na ang damit ng pari, hindi ito basta na lamang itatapon o sunugin, kundi dapat itong itabi sapagkat itinuturing ito na banal na bagay.

Tunghayan sa video ng Dapat Alam Mo! ang mabusising pagtatahi nina Mark Anthony Alonzo at Rai Kylo Villacorta ng magagarbo at makukulay na liturgical vestments ng mga pari sa Guiguinto, Bulacan. --FRJ, GMA Integrated News