Mula sa pagiging flight attendant, nagtitinda ngayon ng street food ang isang 26-anyos na babae matapos na mawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa "Reporter's Notebook," ikinuwento ni Leigh Nazaredo, breadwinner ng kanilang pamilya, na apat na taon siyang nagtrabaho sa kanilang kompanya, at sumasahod noon ng P50,000 hanggang P70,000 bawat buwan.
Pero dahil sa mga ipinatupad na lockdown, naging isa hanggang dalawang beses na lang kada buwan ang biyahe ng kanilang airline company mula sa lima hanggang pitong beses. Dahil dito, nabawasan na rin ang kaniyang sahod.
Pero nitong nakaraang buwan, nakasama si Leigh sa mga kawani na tuluyan nang inalis sa kaniyang pinagtatrabahuhan airline company.
"Noong time na 'yun ang naiisip ko lang po, paano sina mama? Paano sina papa? Paano kami? Paano ako? 'Yung acceptance na wala na akong trabaho nu'n sobrang hirap po sa akin," pag-amin niya.
Pero sa halip na magmukmok, gumawa ng paraan si Leigh para kumita sa pamamagitan ng pagbebenta ng streetfood, at hindi niya ito ikinakahiya.
"Hindi naman po ako nanggaling sa mayamang pamilya para ikahiya ko po na magbenta po ako ng fishball, ng kikiam. 'Yan po ang comfort ko, kami ng mga kapatid ko. Sabi ko, why not gawin ko siyang business?" anang dalaga.
Ngayon, kumikita si Leigh ng nasa P500 kada araw matapos ang limang oras na pagtitinda. Malayo man sa sinasahod niya noon, sapat na raw ito upang maitawid nila ang pang-araw-araw nilang pangangailangan.
Tunghayan ang buo niyang kuwento at kapulutan ng inspirasyon at katatagan ngayon panahon ng krisis sa video na ito ng "Reporter's Notebook."
--FRJ, GMA News