Bago siya patayin sa pamamagitan ng firing squad ng mga sundalong Kastila sa Bagumbayan [Luneta] noong Disyembre 30, 1896, isang sulat ang ginawa niya para sa kaniyang mga mahal sa buhay kung saan nakasaad ang kaniyang mga bilin kapag wala na siya. Kasama sa kaniyang nais, ang maihimlay ang kaniyang mga labi sa 'Paang Bundok.' Alam ba ninyo kung anong sementeryo ito?
Nakasaad sa sulat ang mga kahilingan ni Rizal na ang kaniyang mga labi ay ihimlay sa simpleng puntod, lagyan ng bato na may marka ng kaniyang pangalan, araw ng kapanganakan at kamatayan.
Hindi niya nais na magkaroon ng araw ng selebrasyon, at nais din niyang sa "Paang Bundok" mailibing.
Hindi natupad ang mga hiling na ito ni Rizal dahil nakita ang sulat maraming taon na ang lumipas matapos siyang mamamatay. Ngayon, nakahimlay ang kaniyang mga labi sa lugar kung saan siya pinaslang, sa Luneta. Gunigunita rin ang kaniyang kabayanihan taon-taon.
At ang "Paang Bundok" na kaniyang sinasabi sa sulat, mas kilala na ngayon sa tawag na "Manila North Cemetery," ang isa sa mga pinakamatandang sementeryo sa bansa.-- FRJ, GMA News