Ilang taon makaraang lagdaan ang Enhanced Basic Education Act o K to 12 program sa bansa, anu-ano nga ba ang ilang pagbabago na nararanasan sa sistema ng edukasyon.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, sinabing 2013 nang pirmahan ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang Republic Act 10533 o ang K-12 program.
Ipinag-uutos sa batas na sumailalim sa compulsory universal kindergarten education ang lahat, at dinagdagan ng grade 11 at 12 ang mga pambubliko at pribadong high school.
Kung dati ay first hanggang fourth year ang tawag sa mga mag-aaral sa high school, sa ilalim ng programa ay tatawagin silang junior high school (JHS) na grades 7 hanggang grade 10.
Ang dagdag na tatlong taon sa dating 10 taon na basic education sa bansa ay naglalayong pantayan ang pre-university program sa ibang mga bansa.
Pero bago pa man lubusang mailunsad ang programa, kabi-kabilang mga reklamo, kilos-protesta at pagtutuligsa ang inabot nito.
Ayon sa ilang kritiko, ang mga dating problema sa sistema ng edukasyon, tulad ng kakulangan sa mga silid-aralan at guro ay palalalain sa K to 12 program.
Ngunit sa kabila ng mga isyung kinaharap nito, naipatupad pa rin ang K to 12 noong 2016.
Ilang programa naman ang inilunsad ng Department of Education para matugunan ang ilang mga problema na inaasahan ding lulutang sa implementasyon ng K-12 tulad ng voucher system, o pagbibigay ng financial assistance sa mga mag-aaral na papasok ng grade ten.
Ang kawalan ng kita ng mga unibersidad sa naturang transition period ay tinugunan din sa pamamamagitan ng Commission on Higher Education Transition Funds.
Nitong abril lang, ipinatupad na rin ang pagbabago sa graduation honors, at pinalitan ang tradisyunal na valedictorian at salutatorian ng "highest honors" at "high honors".
Dahil dito, hindi na lang isa ang puwedeng makatanggap ng mga nasabing award kung hindi ang sinumang mag-aaral na makakuha sa itinakdang grado.
Sa susunod na school year, magsisipag-tapos na ang kauna-unahang batch ng senior high school sa bansa. -- FRJ, GMA News