Isang lalaki ang sugatan matapos siyang saksakin umano ng sariling anak sa Antipolo, Rizal. Ang suspek, umaming sinaksak ang ama dahil sa pambubugbog umano nito sa kaniya, ayon sa barangay.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing inaresto ang 25-anyos na suspek Lunes ng gabi sa Barangay San Isidro.

Ayon kay Albert Peñaflor, kagawad ng Barangay San Isidro, dinatnan nilang tulala na ang suspek, na umamin sa pananaksak sa kaniyang ama.

Nagtamo ng saksak sa kaliwang tagiliran ang biktima, ngunit may malay pa siya at nagawa pang humingi ng tulong mula sa mga kapitbahay.

Narekober mula sa suspek ang ginamit na patalim. Sinabi ng barangay na pambubugbog umano ng ama sa anak ang pinag-ugatan ng krimen.

Ngunit ayon naman sa kaanak ng biktima, napagbuntungan lang ng anak ang tatay nito, dahil galit ito sa unang nakaaway.

Bukod dito, madalas din umanong magtalo ang dalawa.

Walang pahayag ang suspek na pansamantalang nakadetene sa Antipolo Component City Police Station, at ang biktima na kasalukuyan pang nagpapagaling sa ospital. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News