QUEZON - Isang pampasaherong bus ang naipit sa baha sa San Narciso, Quezon nitong Miyerkoles sa gitna ng pananalasa ng Tropical Storm Kristine.

Bahagyang inanod ng baha sa gilid ng highway ang bus dahil sa pagragasa ng tubig.

Nakaligtas naman ang mga pasahero, driver, at konduktor nito. Walang nasaktan sa mga lulan ng bus.

Lucban

Sa Lucban, Quezon naman, winasak ng malakas na hangin dulot ng Bagyong Kristine ang covered court at ilang silid aralan ng Paaralang Elementarya ng Lucban.

Maraming gamit ang nasira.

 

Photo courtesy: DepEd Lucban

 

Isang puno rin ang nabuwal at bumagsak sa classroom.

Nanawagan ng tulong ang mga guro.

Camarines Sur

Magdamag na bumuhos ang malakas na ulan sa Southern Luzon.

Sa bayan ng Del Gallego sa Camarines Sur, Martes pa lang ng hapon ay umapaw na ang malaking ilog sa bayan, dahilan para malubog sa baha ang town proper.

Lampas tao ang baha.

Ang burol ng isang patay ay iniakyat sa stage ng covered court upang hindi abutin ng baha.

Maraming pamilya ang nasa evacuation center.

Isolated ang anim na barangay matapos lumubog sa baha ang spillway.

Baha pa rin ang mga lugar na ito sa mga oras na ito.

Camarines Norte

Samantala, sa Jose Panganiban, Camarines Norte, masuwerteng walang nasaktan at nasawi makaraaang matabunan ng landslide ang apat na bahay sa Barangay Larap.

 

Photo courtesy: Municipal Councilor Artemio Andaya

 

Maaga raw naka-evacuate ang mga residente.

Sa 2 p.m. bulletin ng PAGASA ngayong Martes, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Quezon kasama ang Polillo Islands, Camarines Norte, Camarines Sur, at iba pang lugar.

Ayon sa PAGASA, magla-landfall ang Bagyong Kristine sa Isabela nitong Miyerkoles ng gabi o Huwebes ng umaga.

Sa Biyernes ay lalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Kristine. —KG, GMA Integrated News