Bangkay na nang matagpuan sa loob ng kotse ang isang Navy intelligence officer na pinagbabaril sa Maharlika Highway sa Santo Tomas, Batangas.

Sa ulat ni Claire Lacanilao Dungca ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, mapanonood sa isang kuha ng CCTV ang isang lalaki na inabandona ang kaniyang sasakyan sa gilid ng kalsada.

Pagkaraan ng dalawang araw, nakita sa loob ng sasakyan ang pinagbabaril na katawan ng 37-anyos na biktima.

Sa tulong ng iba pang CCTV, natuklasang nagmula sa Calamba, Laguna ang kotse bago iniwan sa Batangas.

Nadakip ang dalawang suspek sa South Luzon Expressway nang isagawa ang isang follow-up operation.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek.

Isasailalim naman sa autopsy ang bangkay ng Navy officer, habang patuloy na inaalam ang motibo sa krimen. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News