Dalawa ang nasawi at isa pa ang sugatan nang sumalpok ang isang kotse sa likuran ng nakaparadang truck sa General Santos City.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang sakuna noong Linggo dakong 7:00 pm sa national highway sa bahagi ng Barangay Sinawal.
Nasawi ang 30-anyos na driver ng kotse, at sakay nito na 17-anyos. Bahagya naman nasugatan ang isa pang sakay nito na 17-anyos din.
Magkakamag-anak umano ang tatlong sakay ng kotse na pawang residente sa nasabing lungsod.
Ayon sa Traffic Enforcement Unit (TEU) ng General Santos City Police Office (GSCPO), sinabi ng 30-anyos na driver ng truck na tumigil sila sa gilid ng daan matapos magkaroon ng aberya ang kanilang sasakyan.
Pero habang inaayos umano nila ang problema sa truck, sumalpok na lang bigla sa likod ang kotse.
“According sa driver, napatigil sila doon dahil medyo nagkadiperensya daw yung preno ng sasakyan. Habang inaayos nila, nagulat na lang sila nang may bumangga na kotse sa likod ng kanilang 10-wheeler truck,” ayon kay TEU-GSCPO Chief, Lieutenant Colonel Joel Fuerte.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang dahilan ng sakuna pero may nakalagay umanong early warning device sa lugar.
“Marami tayong tinitingnan, talagang human error. Pagdating ng investigator natin nandoon pa rin yung early warning device before doon sa likod ng sasakyan," ani Fuerte.
"Then yun ang pinagtataka natin, bakit yung early warning device ay hindi naman nabangga. Meron ding posiblilidad na ang driver ay wala sa kondisyon, bakit siya nabangga doon, wala sa focus, inaantok or whatsoever, possible, nakainom din,” paliwanag niya sa mga titingnan sa imbestigasyon.
Nagkausap at nagkaroon na umano ng pagkakasundo ang pamilya ng mga biktima at driver ng truck. --FRJ, GMA Integrated News