Nahagip sa CCTV ang pagsira at pagnanakaw ng isang lalaki sa vending machine sa harap ng isang tindahan sa Mangaldan, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na mapapanood din sa Unang Balita nitong Martes, makikita sa video na kinakalikot ng salarin ang vending machine, habang binabantayan siya ng isa pang lalaki na kaniyang kasamahan.
Ilang saglit lang, sinira na ng lalaki ang vending machine at kinuha ang laman nitong pera bago umalis sakay ng motorsiklo.
Sinabi ng pulisya na humigit kumulang P2,000 ang natangay ng salarin.
Nagkakahalaga ng hindi bababa sa P10,000 ang nawasak na vending machine.
Tumangging magbigay ng pahayag ang may-ari ng tindahan.
Sa tulong ng CCTV footage, natukoy ang mga suspek, na mahaharap sa karampatang reklamo. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News