Napilitang umupo sa sahig ang mga estudyante sa isang paaralan sa Batangas City dahil sa kawalan ng silya. Sa isang paaralan naman sa Abra, kaniya-kaniyang dala ng silya ang mga magulang para may maupuan ang kanilang mga anak habang nag-aaral.
Sa Facebook post ng GMA Regional TV News, sinabing bumungad sa pagsisimula ng klase sa Batangas City ang kakulangan ng upuan at silid-aralan.
Ayon sa isang opisyal ng Department of Education (DepEd-Batangas), nasa 50 silid-aralan ang kailangan ng lungsod para sa mga bagong enrollees.
“Napakarami po talaga, considering 'yung increasing enrollment natin sa public schools,” sabi ni Dr. Hermogenes Panganiban, Schools Division Superintendent of DepEd-Batangas.
Sa Batangas City Integrated High School, napilitan na ang mga estudyante na umupo na lang sa sahig dahil walang upuan.
Ipinahiram umano ang mga upuan sa bagong bukas na junior high school building.
“Ang hirap po gumawa ng activity kapag po nakaupo sa sahig. Parang po mas nakaka-stress ang pag-upo kaysa mag-aral,” ayon sa isang Grade 11 student.
Ang isa namang estudyante, naniniwala na pansamantala lang ang kanilang sitwasyon.
Sinabi ni Aida Gutierrez, Principal IV ng Batangas City Integrated High School, na humiling na sila ng mga bagong upuan.
“Magkakaroon po ng bagong chairs doon, at the same time, nag-request kami sa local government… bibigyan din ho ng iba,” saad niya.
Sinabi naman ni Panganiban na may kahilingan na rin sila sa DepEd Central para sa mga upuan.
Sa Abra High School-Sinalang Extension sa Bangued, Abra, kaniya-kaniya namang bitbit ng silya ang mga mag-aaral o magulang para may maupuan ang mga bata.
Bukod sa kawalan ng upuan, pansamantala rin lang ang silid-aralan na kanilang ginagamit matapos na bahain ng bagyong Egay ang eskuwelahan nitong Hulyo.
Sa pagbubukas ng klase, nagpapaulan naman sa lugar ang bagyong Goring.
Aminado ang guro na nakakaapekto sa pag-aaral ng mga bata ang kakulangan ng upuan at maaayos na silid-aralan.
“Hindi siya conducive pero bilang isang guro, kailangang gumawa ng paraan upang mabigyan pa rin sila ng quality education,” ani Genie Sibal, Grade 7 teacher.
Umaasa siya na matutugunan ng Department of Education (DepEd) ang kanilang problema.
Inispeksyon na ng mga opisyal ng DepEd ang sitwasyon sa paaralan. --FRJ, GMA Integrated News